Tinanong ako nung Uber driver kung may boyfriend na daw ba ako. Siyempre sumagot naman ako at sabi ko oo, meron na.
Hindi ako sinunangaling na tao. Kahit buhay ko na kapalit makapagsinungaling lang minsan wala pa rin akong pakealam at nagsasabi talaga ako ng totoo. Pero iba ito. Iba ngayon. Lalo na kapag alam mong oportunista yung kausap mo at di lang buhay mo ang kukunin kundi kasama na pati kahihiyan at dignidad mo at iiwan kang parang isang latang wasak na walang laman.
Ganun naman yun e. Kapag interesado ang tao, nagtatanong. Nagtatanong ng marami at personal hanggang sa di ka na kumportable. Tinanong ako ng Uber driver na nakuha ko kung ilang taon na ba ako. Alam ko na kung saan papunta itong usapan kaya nilaro ko na lang. Sabi ko sa kanya, hulaan niya. Sabi niya 24 na daw ako. Mukha akong 24 years old. Sinabi ko ang totoo na 30 years old na ako. Kahit tignan niya pa sa papeles ng nanay ko tungkol sa pagkapanganak niya saken sa Infant Jesus sa Tondo. Nagulat yung drayber, ganun na pala ako katanda. Wala kasi sa itsura ko. Siyempre ang sunod na tanong kung may boyfriend na daw ako. Ito, aaminin ko nasa limbo ako. Purgatoryo. Walang kasiguraduhan. Lito sa Waze. Nasa pagitan ng langit at lupa. Gray area. Unwritten rule. Hindi ko din talaga alam kung may boyfriend na ba ako kasi wala pa kaming napagusapan ng ser mo tungkol dito. Wala kaming label. Ni hindi nga kami Brand X dahil wala talagang tawag sa kung ano meron kami pero sigurado akong may laman yung relasyon namin.
Flashback. Bumili ako ng laptop kaya sabi ng ser mo magUber na lang ako paguwi. Habang nagaantay ng Uber, sa wakas, sigurado na ako sa aming dalawa. Sinabi ko kay ser mo na handa na ako. Ready na ako na maging seryoso kaming dalawa. Magkaroon ng tawag sa kung ano kami. Kaso, tinawanan niya ako. Sabi niya pagusapan daw namin sa susunod na magkikita kami na hindi na namin nagawa kahit makailang beses na kami nagkita pagkatapos nun. Dumating na yung Uber driver tapos nagmadali na akong sumakay at di pwedeng matagal na nakahinto yung sasakyan sa kung nasaan kami. Hanggang ngayon nasa ere pa rin ako dahil wala akong kalulugaran. Di ko alam kung nasan ako sa buhay niya.
At iyon na nga ang nangyari, tinanong na nga ako ng Uber driver kung may boyfriend na nga ba ako. Nagsinungaling ako sinabi kong meron. Bakit? Bakit ko ginawa yun? Di ko alam pero siguro para protektahan ako mula sa Uber driver na usiserong feeling kaclose niya ako? Oo yun nga. Gaano na ba kami daw katagal ni ser at sinabi ko halos magiisang taon na which is totoo. Sinabi ko sa kanya di pa ready si ser na seryosong commitment at magsettle down which is totoo ulit.
Masarap pala sa pakiramdam na sabihing may karelasyon ka na sa mga taong hindi mo na nga gusto, alam mo pang patagong nagbabalak gumalawang breezy sayo. Lesser evil. Lesser evil? Ano ang lesser evil sa kwentong ito? Ang hangarin mo na protektahan ang sarili mo sa laban sa mga mandarambong sa pamamagitan ng pagsisinungaling. Gawin mo yun kesa naman balatan mo ng buhay yung di mo kakilala dahil kinukupal ka ng mga personal na tanong.
Sa susunod siguro magsusuot na talaga ako ng head set para makaiwas sa mga walang kwentang kwento ng mga kunwaring interesadong tao. Likas kasi talaga akong introvert sa mga bihirang pagkakataon.