
Kanina pa ako gising pero ngayon lang talaga ako nagkaroon ng oras para magsulat. Ang aga ko naman yata para hindi tuparin agad yung panata ng 1 entry a day. Pasensiya na, medyo wasak at basag lang ako kahapon. Biruin mo, 31 oras akong gising at grabe yung tinoma kong alak. Halo halo na nga. Empi lights, SanMig Light Apple, Redhorse, Milk Tea, Ice Tea saka Royal True Orange. Dear liver, do not give up on me.
Nasa Taguig ako kahapon. Staycation. Uso yung ganun. Rerenta lang ng kwarto sa condo o sa hotel tapos swimming o kaya nood lang ng tv at tulog buong magdamag. Nanood nga rin pala ako nung pelikulang Honor Thy Father because EHEM John Lloyd Cruz. Fan ako ni JLC matagal na panahon na simula nung Gboy pa lang siya. Kasama ko si Ser niyo manood ng sine sa Market Market.
Dahil galing ako ng trabaho nung Jan 1, sabi ko sa nanay ko ipadala sa kapatid ko yung damit ko na pangswimming kasi di na ako uuwi. Yung nanay ko naman, biglang umarte, sasama daw. Sabi ko wag na at sa bahay na lang siya. Kaso sira yung TV ano na lang daw gagawin niya? Ako na lang ba nag-iisip sa pamilyang ito? Edi matulog siya! Aba, tipid tipid din sa unang araw ng taon. Umaarte, gusto pa rin sumama. Sabi ko bibili kaming TV pagbalik ko. Ayun, biglang inantok at di na siya sumama.
Doon na ako sa condo na nirenta ng pinsan ko nagpahinga saka naligo bago kami magkita ng Ser niyo. Nung dumating na yung kapatid ko para ibigay yung gagamitin ko, mali yung damit na nilagay ng nanay ko. Ano ito? Gantihan? Sabi ko blue na blouse, yellow yung dinala. Ano ito? color blind bigla? hindi bagay sa date na pupuntahan ko dahil kulang na lang brown envelope at mukha na akong magaapply ng trabaho sa pabrika.
Mabuti na lang napahiram ako ng damit nung asawa ng pinsan ko. Dress yun sa kanya pero long blouse lang ang dating saken. Mukha tuloy ang haba ng katawan ko. Nagawan ko naman ng paraan. Nilubos ko na humingi na rin ako ng lotion saka pabango. Nagtaxi na ako tapos nagmadali pumunta sa Market Market na wala ng tulog at ligo lang ang ginawa. Kaya naman pala tinawag na Market Market yun e kasi parang palengke, jusko ang daming tao.
Kung ano kina intense ng pelikulang Honor Thy Father, yun ang kinatamis ko. First time ko makipagholding hands at pumatong ng ulo sa balikat sa sinehan sa buong buhay ko at hindi naman ako nagsisi. Parang nasa tamang panahon na siya. Parang sakto lang sa timing. Andon na yata kami sa punto ng relasyon ni Ser mo na kailangan na pisikalan.
Kaya lang may maliit na problema, ayaw daw ng PDA ie holding hands ng Ser niyo sa opisina. Sa totoo lang, medyo nalungkot ako. Kasi ako yung tipo ng tao na mahilig maghawak at manghaplos. Kaya nung nalaman ko na si Ser niyo ayaw ng ganun sa opisina para na ekisan ko na siya. Sabi niya ayos lang daw lahat wag lang yung holding hands sa opisina. Di daw kasi siya showy sa feelings. Ganun daw siya kahit dati pa. Nakuha ko naman yung punto niya na nasa work place kami at dapat pormal. Sa opisina lang daw bawal yung holding hands saka kapag may kapopisina na nasa paligid pero kapag nasa labas ayos lang. Sabi ko, kung ganyan lang din naman hindi na lang ako mag-iinitiate ng kahit anong pisikalan. Hindi kasi ako magiging kumportable kung alam kong ganun din siya. Sabi ko, magapir na lang kami kapag nagkita kami sa opisina kesa magbeso. Wala na lang talaga. Patay na bata na lang ako. Basta ang action plan ko, hindi mauna magpahiwatig ng pda.
Nagtext na yung pinsan ko kung nasan na daw ba ako. Gusto kasi nila makilala si Ser niyo. Ako naman, sinubukan ko talaga siya kumbinsihin na pumunta sa condo para makita yung mga kamaganak ko kaya lang ayaw niya. Hindi niya pa feel. Sa edad niyang 37 years old totoo ba? Papilit e. Ayun, naekisan ko na naman siya at nabad trip ako kaya umuwi na lang ako magisa at nagtaxi.
Medyo galit agad yung bungad sa akin ng pinsan ko. Bakit daw hindi man lang ako inihatid o idinaan man lang. Aba malay ko. Kung kelan ang lapit lapit na lang ng Market Market sa condo hindi pa nakayanan man lang magpabida at magpabibo ng Ser niyo. Napaisip din ako doon sa totoo lang. Minsan ganun yung silbi ng kaibigan at mga kamaganak, ang pinatasan yung taong mahal mo para makita mo kung ano yung mga kamalian at magising ka sa katotohanan na mamili at humanap ng iba.
Kung sarili nga ni Ser mo na naglalabasan na yung mga karamdaman, sangkatutak ang antok at katamaran di kaya alagaan sarili niya, maaalagaan niya pa kaya ako?